Wednesday, May 25, 2011

Ang Inang [Part 2 of 3]

Mabait ang Inang at mapagpasensya sa amin [pero mababait naman talaga kaming magkakapatid; hindi mahirap mahalin dahil may breeding]. Hindi nya ako nasigawan kahit ang kulit-kulit ko at parang kiti-kiti noong bata pa ako. Tandem pa nga kami nyan e. Sya ang nagtataboy sa mga batang kalaro ko kapag nakikita nyang natatalo na ako sa mga larong kalye. Madaya?! E ano!? Mahal ako ng Inang e! He2..

Talagang kapag may away-pinsan, ako lagi ang napapanigan ni Inang dahil ang pagkakakilala nya sa amin ay sobrang tahimik at mabait. [Best actor na yata ako bata pa lang ako. Walang kokontra! Ha3!] Kaya ayun, nung minsan na hindi pa nakakarating sa pinangyayarihan ng away ang Inang ay tiyumempo ang pinsan ko. Feeling nya ay sya si Wolverine at [Kids, don't try this at home. Ha3!] ginuhitan nya ang aking gwapong (ehem!) mukha. Waaah! Nabigla talaga ako noon. Napaiyak talaga ako sa sobrang sakit. Medyo huli na ang Inang kaya't ang nagawa na lang nya ay matampal sa kamay ang aking pinsan. [Belat! Akala mo ha!? Buti nga!] Kahit masaya ako na ako ang kinampihan ng Inang ay hindi pa din maitatago ang pisikal na sakit na aking nararamdaman. Hu3.. Madami pang mga pagkakataon na ipinakita ni Inang ang pagmamahal (o pagka-bias nya sa akin) sa mga sumunod pang pagkakataon. Basta ang naaalala ko lang, wala talgang pagkakataon na nasigawan ako ng Inang.

Kaya ko naisulat at naibahagi ang kwento tungkol kay Inang ay dahil nakatanggap ako ng isang napakalungkot na balita noong nakaraang linggo lang..

[BlackBerry chime]

“Anak, pwede ka bang mag-half day? Uwi ka na muna kasama sa amin sa Bulacan. Ikaw na lang ang hindi nakakadalaw sa inyong magkakapatid sa Inang. Mahina na ang matanda anak.”

Sa pagkakatanggap ko ng text ng iyon ay nalungkot ako bigla. Ramdam na ramdam ko ang lungkot sa mensahe ng aking inay. Nakukwento na din dati sa akin ng inay na madalas magkasakit ang Inang pero lahat iyon ay nalalagpasan naman nya.

Dali-dali akong nagpaalam sa aking supervisor (kasi ASSISTANT supervisor pa lang ako) at aking manager na kung maaaring payagan nila ako na lumiban sa trabaho ng ilang araw upang madalaw ang aking Inang dahil nga sa kondisyon nya. Hindi naman sila nagmaramot dahil likas na talaga sa ating Pinoy ang pagkakaroon ng close family ties. Basta pamilya na ang pinag-uusapan malambot ang puso nating mga Pinoy.

Dali-dali kong iniligpit ang aking mga gamit sa opisina at umuwi muna ng apartment upang makakuha ng ilang mga damit. Pagkatapos makapag-empake ay nag-abang na ako ng bus paluwas ng Maynila; dun ako hihintayin ng mga inay upang sabay-sabay na kaming umuwi ng Bulacan.

Pagdating nga ng Bulacan ay ibinaba lang namin ang aming mga dala-dalahin at nagtungo na kami sa matandang bahay kung nasaan ang Inang. Ako'y nanlumo sa aking nakita. Bumagsak ang katawan ng Inang. Halos nangalahati ang katawan nito. Hindi na raw makakain ang Inang. Maski daw liquid food ay hindi na makain ng Inang.. Hindi ko alam kung papaanong itatago ang lungkot sa aking mga mata. Ayaw kong makita nila ang lungkot upang patuloy silang bigyan ng lakas para lumaban; para patuloy na magdasal para sa pagbalik ng dating sigla ng Inang.

ITUTULOY..

No comments:

Post a Comment